MGA KABABAYAN NATIN SA ITALY

by Fr Rhett Sarabia

“Buon giorno Padre, cerco una badante Filippina che parla la l’taliano abbastanza bene.” (“Magandang umaga po Padre, ako po ay naghahanap ng isang Pilipina na mag-aalaga at nakakapagsalita ng maayos na Italyano”).

Ito madalas ang usapan sa tuwing may napapagawi sa aming simbahan o di kaya sa mga pag-uusap sa telepono.  Sa gitna ng krisis ekonomiya sa Italya, hindi pa rin nawawalan ng trabaho ang karamihan sa ating mga kakabayan dito. Ika nga,  masipag ka lang, matiyaga at hindi balat-sibuyas may trabaho ka ditong makikita sa bansa ng spaghetti at pizza. Sa isang pamayanan na kung saan mas nakakarami ang mga matatanda at ang bawat mga kaanak nila ay abala sa trabaho at sa sariling buhay pamilya, madalas  walang nag-aalaga sa kanilang mga nanay, tatay, lola at lolo.

Ayon sa pag-aaral na ginagawa ng ISTAT  (Istituto Nazionale di Statistica- Kagawaran ng Istatistika ng Italya) mayroong mahigit na 113,000 na mga Pilipino mula Enero 1, 2009 – mga 66,000 dito ang mga kababaihan at sa kalakhang bilang na ito 83,500 lamang ang may permesso di soggiorno (pahintulot para manatili sa Italya). Higit kumulang 80 per cent ay naninirahan sa malalaking siyudad katulad ng Roma at Milano at madalas nagtatrabaho bilang kasambahay o di kaya mga nag-aalaga ng mga matatanda.  Sa katunayan 4 per cent lamang ang nagtatrabaho ayon sa propesyon na kanilang tinapos.

Madalas na bukambibig ng mga pamunuan ng ating gobyerno na ang mga OFWs ang mga bagong bayani ng bayan. Nakakalungkot na madalas ang turing natin sa kanila ay istatistika lamang. Sa mga kuwentong aking narinig, nakakapanlumong isipin na  ang nag-uugnay na lamang sa kanila at sa mga pamilya nila sa Pilipinas ay ang bawat euro na pinapadala – katas ng luha, pawis at dugo.

Nakakaawang  isipin ang mga eksena dito sa buhay-italya: minsan isusubo na lamang nila, ipapadala pa huwag lang maging sanhi ng panunumbat ng mga anak.  Meron din namang ginagawang gabi ang araw matutustusan lang ang buong kamag-anak. Minsan nga kahit nakakatawa pati yata pambili ng load sa cellphone kailangan pa talagang dito galing sa Italya.

Sa aking pakikisalamuha sa mga kapwa nating mga Pilipino, dito ko naunawaan ang tunay na kuwento sa likod ng mga halakhak, mga litratong magagandang aking nakikita sa Facebook, mga magagarang kasuutan at mamahaling kagamitan. Madali ang kumita sa bansang ito, huwag ka lang mamili ng trabaho. Pero,  sa bawat taginting ng euro kasabay nito ang pangungulila, kasawian at krisis na kinakaharap ng bawat isa.

Hindi biro ang manirahan at magtrabaho sa Italya. Naalala ko pa ang unang taglamig ko dito. Sa kapal ng kasuotan halos di ko na maihakbang ang aking mga paa. Ang kumukulong sikmura kasi kape at biskwit lang ang agahan. Ang nakakalitong salita ng mga italyano, mabilis, walang preno at minsan parang pagalit na binibitawan. Buti na lang marunong tayong ngumiti mula pa sa ating pagkabata, kung hind malamang depresyon at alta presyon ang bagsak natin.

Hitik sa kuwento ang buhay namin dito. Katulad ng mga panlasa ng pagkaing Pilipino: matamis, maasim, maalat, matabang. Bawat kuwento ng buhay-Italya ay parang putaheng inihahain tuwing linggo na kung saan karamihan ay namamhinga. Pero, may iilan pa ring doble kayod kahit linggo. Sa wari ko nga para silang si Kuracha, ang babaeng walang pahinga.

Kung gusto mong makakita ng mga Pinoy sa araw ng Linggo pumunta ka sa mga simbahan, sa mga parko, sa mga mall o kaya sumakay ka lang ng bus (malamang  tatlo o mas higit pang meron kang kasabay na Pinoy).  Dito sa mga lugar na ito nahahabi ang mga iba’t ibang kuwento. Makinig ka lang  at magmasid.

“E’ un Filippino?” (“He is Filipino?”) Ito madalas ang nasasambit ng mga kasamahan kong Brasilyano at Amerikano tuwing may nakakasalubong kaming mga Pinoy sa kalye. Tanda na yata sa atin ang tumango pag may kasalubong na mga Pinoy.

May mga bagay na hindi sinasabi pero naiitindihan. Kailangan lang pairalin ang puso. Ito ang aking napatunayan sa patuloy kong pakiki-ugnayan sa kapwa ko Pinoy. Ang adhikain ng buod na ito at ang mga susunod pa ay magkuwento at magkuwento at dahan-dahang hubdan ang mga tunay na nakatago sa likod ng maskara ng buhay.

Ang bawat kuwento ay buhay at ang bawat buhay ay kuwento. Ito ay isang hungkag na katotohanan ng buhay. Bawat pagkumpas ng kamay ng orasan, badya nang muling pagsisimula ng isang kuwento.


Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s